Importante sa akin ang magbasa ng libro. At dahil choosy ako pati sa mga kakaibiganin, isa na siya sa mga naging pamantayan ko: kung hindi ka nagbabasa, may 30% chance na hindi tayo magkakasundo.
Sa pagbabasa na kasi ako lumaki.
Walang mabibilihan ng libro sa Moncada sa Tarlac. Imbes na babysitter's club o nancy drew tulad ng ibang bata, lumaki ako sa comics. Mayroon kasing news stand ang pamilya.
Nagigising kami sa bahay ng alas tres ng madaling araw dahil binabagsak sa gate namin ang mga ibebentang diyaryo sa araw na 'yun.
Kaya dati, Habang naghihintay ng umagahan, ka-kwentuhan ko na si eknok at Tomas and Kulas ng Funny Komiks. Peyborit ko rin si Utleg ng Happy Komiks. Kaso lagi akong bitin, ang iikli kasi ng comic strips duon. Minsan nga nagbabasa na ako ng mga pang Matandang komiks na may mga aksyong 'Di pwede sa bata.
Alam kong bawal 'yun sa akin. Pero wala na kasi akong mabasa. Kaya sumunod ko nang binasa ang diyaryo. Abante at Bulgar ang madalas kong basahin kasi Tagalog, 'di kasi ako maka intindi ng Ingles.
Kaya sobrang saya ko nung nagkaroon ng Children's Comics. Maikling kuwento na ang porma ng mga istorya, mahaba-haba na. Iba iba pa linggo linggo.
Una nga akong nailathala noong Grade 1 ako. Isa itong liham para sa Children's na nagpapasalamat para sa mga kuwentong naging katuwang ko uma-umaga at tuwing hapon pagkagaling sa eskwela.
Grade 4 ako noon nang bigyan kami ng eskwelahan ng textbook sa Pagbasa. 5 pahina bawat istorya!! Mayroon nanaman akong bagong kaibigan, sabi ko noon. Tuwing tatalakayin ang kuwento sa eskwela, lagi akong pabibo.
Minsan sa pagkalkal ko sa gamit ng pinsan kong nasa kolehiyo, nakita ko ang isang libro na ang titulo ay "Kuwaderno," ang koleksyon ng mga kuwentong pang literatura ng St. Louis Unversity sa Baguio kung saan siya nag-aaral. Pero wala akong naintindihan, para bang sabi ko, tulad ng laging tanong sa pagsusulit, "ano ang moral lesson?" Parang wala naman.
Mag-ge grade 6 na ko nito, at na-frustrate akong hindi ko maitindihan ang libro ng pinsan ko. Dun ko napagtanto baka may antas din ang pagbabasa. Tulad ng mga sinasabi sa pelikula, kailangan mag move on.
Nasa London na kami noon, taong 2001, 11 ako, nang nakita ko sa bookstore ang Harry Potter. Napanuod ko na ang Philosopher's Stone noon kaya ang binili ko na Chamber of Secrets.
Aba sabi ko, ang galing ng librong ito. Para bang lahat ng moral lesson sa lahat ng kuwentong nabasa ko dati, lumabas sa libro sa paraang nakaka-mangha!
Sa bawat tren tuloy na nasasakyan ko sa London, iniisip ko, ang saya siguro pag naka tagos ako dito papuntang Diagon Alley.
Kasabay noon may binasa akong libro mula sa koleksyon ni Jacqueline Wilson: Dustbin Baby. Kuwento ng Batang si april na sa kanyang kaarawan, pumunta siya sa siyudad para hanapin ang nanay niyang tinapon siya sa basurahan noong sanggol pa siya.
Parang ang lungkot kako, pero nakakatawa ang mga tagpo sa kuwento.
Kaya bumili pa ako ng iba: Bed and Breakfast Star, kuwento ng Batang si Elsa na nakatira sa napakaliit na kuwarto sa isang maduming hotel dahil duon kinupkop ang pamilya niyang walang bahay. The Tracy Beaker show: kuwento ng isang bahay ampunan at ni Tracy na walang gustong umampon at iba pang malungkot na kuwento ng bata.
Kaya siguro ako lumaki ng mababa ang emotional quotient at malala ang emotional imabalance, paano naman kasi, natuto akong bilang bata, dapat kaya mong diskartehan ang buhay mo, na kaunti lang ang taong makakatulong sa'yo at ang maging malungkot ay hindi masama, minsan wala rin kasing challenge ang maging masaya.
Sabi nga ni Edith Tiempo, you cannot write happiness. Parang walang lalim.
Dun na nag dire-diretso ang pagbabasa ko. Iniyakan ko si Cedric Diggory, kinilig kina Leo at Stargirl. Sa hindi maipaliwanag na dahilan, nagkaroon ako ng masasamang panaginip dahil sa Da Vinci Code ni Dan Brown. Dito rin ako kinausap ng pinsan ko tungkol sa pananampalataya.
Pero ang pinaka crucial ata sa puntong ito, dahil High School na ako, ang libro ng mga manunulat tulad ni Meg Cabot, aba'y sabi ko, hindi masama ang maging iba.
Sa iba ko na ipapaubaya ang pagiging maganda at popular. Mas gusto kong maging weird tulad ni Sam.
2nd year college ako nang ilabas ang huling libro ng Harry Potter, ang Deathly Hallows.
Malungkot ako sa mga panahong ito. Punong puno ako ng duda sa sarili ko dahil ang gagaling ng mga kasabayan ko sa kursong Journalism. Sabi ko sa sarili ko, nahibang ata ako sa pag-akalang magiging manunulat ako balang araw.
Tapos nabasa ko ang linyang ito: "Of course it's all in your head, Harry, but it doesn't mean it's not real."
Naramdaman ko na sa akin ito sinabi ni Professor Dumbledore, na siguro nga nahihibang ako, pero hindi ibig sabihin hindi magkakatotoo ang pangarap ko.
Sabi ko, tignan mo nga naman, mula 11 hanggang sa ako'y mag disi-otso, si Dumbledore pa rin ang nakatulong sa akin.
Dito ko na rin nakilala si Holden Caufield. Sabi ng guro ko, baka hindi ko raw maintindihan ang Catcher in the Rye dahil dapat ito'y binabasa Habang bata.
Naintindihan ko naman si Holden: hindi talaga madaling malungkot.
Noong pagkatapos ng Graduation ko, dumaan ako sa matinding pagsubok. Na-depress ako ng todo. Gabi gabi, umiiyak. Naglalakad ng walang pupuntahan sa Ayala Avenue sa Makati. Humahawak ng mahigpit sa Rosaryo kahit sa araw dahil desperado para sa sagot. Bakit ako malungkot???
Isang gabi, wala na akong maramdaman. Sakto nasa parte na ako ng Zahir ni Paulo Coelho kung saan sinabi ng protagonist na "I was not I - I was nothing, and that to me seemed quite marvelous."
Noong gabing 'yun, hindi ako umiyak. Saka ko naman binasa ang Prep ni Curtis Sittenfeld - bida ang dalagang si Lee Fiora, na nakitaan ko ng sarili ko.
Mahilig mag psycho-analyze, tadtad ng insecurities at pampalipas oras ang self pity. Sa wakas, medyo naintindihan ko ang sarili ko.
Tumulong din ang mga karakter ni Miles sa Looking for Alaska, Duncan sa Wide Awake at Charlie sa Perks of being a Wallflower.
Hindi madaling maging malungkot. Pero hindi naman masama. Ang moral lesson: ano man ang mangyari, hindi ka Habang buhay malungkot.
Marami akong kaibigan, pero minsan mahirap sabihin ang lahat ng nararamdaman, lalo kung alam mong marami silang hindi maiintindihan. O minsan ayaw mo talagang magsabi, may mga bagay kasing kahit mismo sa sarili mo, hindi mo maamin.
May puwesto ba para sayo sa mundo? Matutupad ba mga pangarap mo? May magmamahal ba sayo? Nahihibang ka ba?
Daming tanong. At simula 6 o 7 ako, madalas nakakasagot ang mga kaibigan ko sa libro.
Siguro yung iba, nahanap ang mga hinahanap nila sa aktuwal na buhay: paglabas-labas, pakikipag kaibigan, pakikipag relasyon, pagdanas sa mundo sa labas ng mga pahina.
Pero iba nga kasi ang mga Tao. Siguro kung sa iba ko hinanap ang mga Sagot, mas lalo akong nalito.
Hindi ko pa lahat naiintindihan. Sa pagbabasa, nagkakasagot ka nga, dumadami naman ang tanong mo.
At yun naman ang dahilan kung bakit ka nabubuhay diba, ang magtanong ng magtanong?
Siguro nga mali ko 'yun, masyado akong apektado. Kinuwestiyon ko ang pagmamahal at ang konsepto niya ng pang Habang buhay nang nalaman ko sa ikalawang libro ni Rachel Cohn at David Levithan na naghiwalay pala sina Nick at Norah.
Minsan na-didignify ko ang galit sa mga libro tulad ng kay Ned Vizzini, na-didignify ang kawalan ng paniniwala sa mga kuwento tulad ng kay Esther Greenwood.
Pero natuto naman akong magmahal ng magulang kay Mitch Albom, magpahalaga ng pagkakaibigan tulad ng kina Ron, Harry at Hermione.
Sa pagbabasa, natuto akong magsulat, na siya namang pinaka mahal ko.
At sa librong "The Imperfectionists," natutunan ko ring hindi iikot ang buhay sa trabaho, kahit gaano ko pa ito kamahal.
Ang pinakamahalaga naman kasi sa pagbabasa, marami akong naging karamay, nalinawan man ako o nalito, mayroon akong nakausap na talagang naintindihan ako.
At sa buhay na 'to, kaunti lang ang ganung klaseng pagkakataon na makukuha mo.
Mura pa ang libro, at ang pinaka maganda sa lahat, mananatili sila sa buhay mo at kahit gaano karaming taon ang lumipas, pag binuklat mo silang muli para kausapin, hindi sila nagbago.
Ang galing 'no?
No comments:
Post a Comment