When she contemplates, she writes, when she writes, she rambles, when she rambles, she justifies, when she justifies, she's satisfied.
Wednesday, March 20, 2013
Para sa'yo Kristel
Unang una, wala naman kahit sino sa amin ang may karapatang sumulat tungkol sa'yo. Hindi ka namin kilala. Hindi namin alam kung ano ang pinagdaanan mo, at walang paraan para maintindihan namin kung bakit mo 'yun nagawa.
Wala kaming karapatan.
Pero biyernes noon, nang mabalitaan ko ang nangyari sa'yo mula sa isang katrabahong taga UP. Nagagalit siya dahil isa siya sa mga huling batch na inabutan pa ng mababang tuition. Nagalit din ako.
Hindi ako Iska. Hindi ako namroblema kung saan kukuha ng tuition, lalo na ng P10,000 na naging dahilan ng pagkasawi mo. Pero nagalit ako, hindi ako makapagtrabaho, hindi makapag-isip ng maayos dahil hindi kita maalis sa isip ko. Nagalit ako sa mga taong humusga sa karakter mo, sa mga nagsabing napaka hina at duwag mo raw para gawin kung ano ang nagawa mo.
Sino ba sila? Hindi ko maintindihan ang apog ng mga taong magbitiw ng salita tungkol sa pagkatao mo. Siguro hindi nila naranasan ang maging malungkot, wala rin naman kasi tayong konsepto ng depresyon dito kaya mahirap maintindihan na sa bansa ng mga masayahing tao, isang araw, kinuha mo na lang ang buhay mo. Pero sino rin ba ako para ipagtanggol ang kalungkutan? Ikaw tunay na namroblema, ako nag-iinarte lang, hindi ko tatangkaing ipaliwanag kung ano ang tumakbo sa isip mo sa mga oras na 'yun.
Hindi man kita kilala. Hindi man kita naiintindihan. Ang laki ng puwang sa puso ko ngayon para sa'yo.
Hindi man kita kilala, hindi man kita naiintindihan, hindi ko naman maikakaila na disi sais anyos kang batang nangarap ng magandang buhay. Simple ang pangarap mo, ang makapag-aral, at biniyayaan ka ng talino para pumasa sa Unibersidad ng Pilipinas -- ang pamantasan ng gobyerno na itinatag para sa mga katulad mo.
Para sa mga katulad mong salat sa yaman pero hindi sa pangarap. Pangarap na nakasaad sa batas, Kristel. Karapatan mong makapag-aral ano man ang pinagdadaanan mo. Pinahihintulutan ka ng batas na mabigyan ng diskwento sa matrikula.
Pinahintulutan ka ng batas na mangarap, Kristel, pero sa hindi ko maintindihang pagkakataon, nabalewala ang batas na ito at hinayaan ng gobyernong magpatuloy ang sistemang papatay sa'yo at sa pangarap mo. Sistemang unti unting pumapatay sa paniniwala ng mga Pilipino sa gobyerno.
Sabi ng iba, masyado raw "simplistic" na sisihin lang ang UP sa nangyari sa'yo. Hindi raw simple ang konsepto ng suicide. Hindi ka naman daw magpapakamatay dahil lang sa isang bagay. Sabi pa ng iba, bakit hindi mo nagawan ng paraan? Hindi lang naman daw ikaw ang biktima. Napakarami pa. Napakarami pang mas mahirap sa'yo.
Kaso ang masama sa pagkakataong ito, ikaw ang nabiktima, ikaw na 'fragile,' ikaw na may mababang kakayahan para dalhin ang problema. At hindi mo 'yun kasalanan, Kristel, isa siyang medical state na hindi maintindihan ng mga tao. At sa lahat ng magkakaroon nito, ikaw pang mahirap.
Kung ang bata ngang si Mariannet Amper na wala pang hinog na konsepto ng kalungkutan, nagawang kunin ang kanyang buhay, ikaw pa kaya, na nagsunog ng kilay makapasa lang sa UPCAT, manatili sa UP;
ikaw na pumasok araw-araw na nababahala kung paano ka makakapasok bukas, ikaw na kinuhanan ng student ID, ikaw na sinabihan na kailangan mong umalis kahit ayaw mo, ikaw na pumasok pa rin sa klase kahit hindi ka na kinikilala ng pamantasang tinawag mong tahanan;
ikaw na naguguluhan sa tunay na kahulugan ng pagmamahal.
Sa lahat ng tao, ikaw pa ang napili ng mapagbirong tadhana. Ikaw pa ang nabiktima.
Kung nagkulang ka, ang magulang mo, ang guro mo -- wala kaming karapatang husgahan. Hindi namin kayo kilala.
Pero kung saan kayo nagkulang, katumbas ng isang responsibilidad na hindi rin naman napunan.
Kayo, walang pera, sila may kapangyarihan. Kasalanan bang sila ang asahan?
Itinakda ng United Nations na 6% ng GDP ang dapat nakalaan sa Edukasyon, sa Pilipinas, 2.3% lang nito ang hinuhugot ng gobyerno para sa pangarap mo.
Ang financial assistance program ng Commission on Higher Education, P503 million lang ang pondo, sapat lang para matulungan ang 2.25% sa lahat ng mga nangangailangang tulad mo.
At ang mismong inaasahan mong tutulong sayo, ang pamantasan mo, nakapagtala ng pinakamababang bilang ng mga estudyanteng may libreng matrikula. Simula nang iniba ang STFAP noong 2007, 2% na lang ng estudyante sa UP Diliman ang nakapag-aral ng libre.
Lahat ng 'to habang tinignan ka ng gobyerno mo sa mata at nakangiting ibinalitang lumago ang ekonomiya.
Ngunit ang ekonomiya palang ito, pinaghati-hatian lang ng mga mayayamang hindi maintindihan ang bigat ng P10,000 na ikinasawi mo.
Nahihiya ako sa'yo, na pumasok ako ng 4 na taon sa kolehiyong nagwaldas sa mga bagay na 'di kailangan. Sasabihin ng iba, hindi naman natin kasalanan na tayo'y may kaya.
Pero hindi mo rin kasalanang naging mahirap ka, Kristel.
Masalimuot ang problema pero simple lang ang punto: may batas na dapat proprotekta sa'yo at may gobyernong dapat sumisiguro sa kinabukasan mo.
At may mga kababayan kang dapat hindi nakalimot ipaglaban ang karapatan ng mga tulad mo.
Sabay ng pagkawala mo, ang pagkabigo ng batas, ng gobyerno, ang pagkabigo naming pangalagaan ang tulad mo.
Ang tulad ni Mariannet, ang tulad ng marami sa ating mga Pilipino.
Kaya hindi rin kita makalimutan, dahil sa tuwing maaalala kita, naaalala ko ang kabiguan ko bilang Pilipino.
Sana mabigyan ka namin ng hustisya, sana mabigyan namin ng dignidad ang ala-ala mo at sana wala nang pangarap pang maipagkait sa bayan na 'to.
Ang mga susunod naming laban, ang mga tungkulin namin, sana magawa namin ng maayos para sa'yo.
Subscribe to:
Posts (Atom)